Tinawag nga ba ni Tomas si Cristo na
Diyos sa Juan 20:28?
ANG TALATANG JUAN 20:28 ay
isa sa karaniwang pinagbabatayan ng mga nagtuturong si Cristo ay Diyos sapagkat
dito raw ay tinawag ni Apostol Tomas si Cristo na Diyos. Ganito ang sinasabi ng
talata:
Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi,
Panginoon ko at Dios ko. (Juan 20:28)
Binanggit ito ni Tomas matapos na
magpakita sa kaniya ang Panginoong Jesucristo.
Ang Pangyayari
Pagkatapos na mabuhay na mag-uli,
si Jesus ay napakita sa Kaniyang mga alagad, subalit noon ay wala si Tomas:
“Nang
kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang
nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa
mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi,
Kapayapaan ang sumainyo. At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa
kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita
nila ang Panginoon. Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang
sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko
kayo. At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi,
Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinomang
inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi
ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad. Nguni't si Tomas, isa
sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si
Jesus.” (Juan 20:19-24)
Nang sabihin ng mga alagad kay Tomas
na nabuhay na mag-uli ang Panginoon at napakita sa kanila ay ganito ang naging
reaksiyon ni Tomas:
“Sinabi nga
sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Ngunit sinabi niya
sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako,
at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking
kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (Juan 20:25)
Hindi naniwala o sumampalataya si
Tomas na ang Panginoong Jesus ay nabuhay na mag-uli. Pansinin na ang
pinag-uusapan sa pangyayaring ito na isinalaysay ni Juan ay walang kinalaman sa
kalikasan ni Cristo (kung Siya ba ay Diyos o hindi) kundi ukol sa pagkabuhay na
mag-uli ni Jesus. Pagkatapos ay napakitang muli si Jesus sa Kaniyang mga alagad
na sa pagkakataong ito ay kasama na si Tomas:
“At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa
loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga
pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo. Nang magkagayo'y
sinabi niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking
mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking
tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.” (Juan
20:26-27)
Sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas na “huwag kang
di mapanampalatayanin, kundi mapanampalatayanin” (na gaya ng pinatutunayan sa mga unahang talata,
ang tinutukoy na di sinasampalatayanan ni Tomas ay ang pagkabuhay na mag-uli ng
Panginoong Jesus). Pagkatapos nito ay ganito ang sagot ni Tomas:
Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi,
Panginoon ko at Dios ko. (Juan 20:28)