Si Cristo ba ang tinutukoy ng banggit na
“Ito ang tunay na Diyos” sa I Juan 5:20?
GUSTONG PALABASIN NG mga
naniniwalang si Cristo ay Diyos na si cristo ay tinawag sa Biblia na tunay na
Diyos. ipinagpipilitan nila na sa I Juan 5:20 ay tinawag daw
si Cristo na tunay na Diyos. Ganito ang isinasaad ng talata:
“At nalalaman
natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang
ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay
sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito
ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.” (I Juan 5:20)
Sa talatang ito ay may banggit na
“Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.” Sinasabi ng mga naniniwalang si cristo ay Diyos na ang tinawag dito na tunay na Diyos ay ang Panginoong Jesucristo.
Tinawag nga ba ang Panginoong
Jesucristo na “tunay na Diyos” sa I Juan 5:20?
SAGOT:
UNA, Hindi sinabi ng Biblia na “si Jesucristo ang tunay na Diyos.”
Walang sinabing gayun ang talata, kundi “Ito
ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.” Mapapansin na
magkabukod na pangungusap ang banggit na “sa
kaniyang Anak na si Jesucristo” at ang banggit na “Ito ang tunay na Diyos.”
IKALAWA, kung tatanggapin natin
na si Cristo ang tinutukoy ng banggit na
“Ito ang tunay na Diyos” ay lalabas
na si Cristo ay may anak na
tinatawag na “Anak ng Diyos” sapagkat binanggit din sa talata na “At nalalaman natin na naparito ang Anak ng
Dios.”
IKATLO, lalabas na dalawa ang
Cristo: isang Cristong tunay na Diyos at isa pang Cristong Anak ng Diyos. Kung si
Cristo ang binabanggit sa I Juan 5:20 na “Ito
ang tunay na Diyos” magiging dalawa
ang Cristo sapagkat sinasabi rin sa talata na “sa kaniyang Anak na si Jesucristo.” Anak ng tunay na Diyos si
Cristo. Kaya kung si Cristo ang tunay na Diyos ay lalabas na Anak ng tunay na
Diyos na si Cristo si Cristo.
Samakatuwid, maling-mali na
ipakahulugan na si Cristo ang tinutukoy ng banggit na “Ito ang tunay na Dios, at angbuhay na walang hanggan.”
Kung sino ang tintutukoy na tunay
na Diyos sa I Juan 5:20 ay siyasatin nating mabuti ang talata.
Ang sabi sa I Juan 5:20, ““At nalalaman natin na naparito ang Anak ng
Dios.”Sino ang tinutukoy na “Anak ng
Diyos” na naparito? Sinabi rin sa talata na
“sa kaniyang Anak na si Jesucristo.”
Samakatuwid, si Cristo ang tinutukoy na Anak ng Diyos na naparito.
Bakit naparito ang Anak ng Diyos
na si Cristo? Ang sabi sa talata, “At
nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa,
upang ating makilala siya na totoo.” Naparito si Cristo upang bigyan tayo
ng pagkaunawa upang makilala natin “siya
na totoo.”
Sino ang “totoo” na ipinakilala ng
Anak ng Diyos na si Cristo kaya Siya ay naparito? Ang sabi sa talata, “Ito ang tunay na Dios, at ang buway na
walang hanggan.” Kaya, ang isa sa misyon ng Panginoong Jesucristo kaya Siya
naparito ay upang ipakilala ang tunay na Diyos.
Sa mga saling New World
Translation, Goodspeed at Contemporary English Version ay ito ang maliwanag na
pinatutunayan:
New World Translation:
“But we know
that the son of God has come, and he has given us intellectual capacity that we
may gain the knowledge of the true one. And we are in union with the true one,
by means of his son Jesus Christ. This is the true God and life everlasting.”
Goodspeed:
“And we know
that the Son of God has come, and he has given us power to recognize him who is
true; and we are in union with him who is true, through his Son, Jesus Christ. He
is the true God and eternal life.”
Contemporary
English Version:
“We know that
Jesus Christ the son of God has come and has shown us the true God. And because
of Jesus, we now belong to the true God who gives eternal life.”
Samakatuwid, ang itinuturo ng I
Juan 5:20 ay naparito ang Panginoong Jesucristo upang ipakilala ang tunay na
Diyos. Sa isa pang sulat ni Apostol Juan ay
pinatunayan na talagang si Cristo na Anak ng Diyos ang nagpakilala sa tunay na
Diyos:
“Walang taong
nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama,
siya ang nagpakilala sa kanya.” (Juan 1:18)
Sino ang ipinakilala ng
Panginoong Jesucristo na tunay na Diyos at buhay na walang hanggan? Sa
pagtuturo ng Panginoong Jesucristo na itinala rin ni Apostol Juan ay ganito ang
sinasabi:
“Ang mga
bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa
langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong
Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:
“At ito ang
buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at
siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.” (Juan 17:1 at 3)
Natupad ng Panginoong Jesucristo
ang isa sa Kaniyang misyon sa pagparito sa mundo, ang ipakilala ang tunay na
Diyos. Ang ipinakilala ni Jesus na tunay na Diyos ay iisa lamang, ang sabi
Niya, “At ito ang buhay na walang
hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay.”
Napansin ba ninyo ang
pagkakahawig ng pahayag na ito ng Panginoong Jesucristo na itinala ni Apostol
Juan sa Juan 17:1 at 3 sa ipinahayag naman ni Apostol Juan din sa I Juan 5:20?
Samakatuwid, ang tintuutkoy ni
Apostol Juan sa I Juan 5:20 na “Ito ang tunay na Dios” ay hindi si Cristo kundi
ang ipinakilala ng Panginoong Jesucristo na iisang Diyos na tunay, ang KANIYANG
AMA.
No comments:
Post a Comment
Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.