HINDI NATIN DAPAT IPAGTAKA ANG MABIBIGAT
NA PAGSUBOK SUBALIT ANG DAPAT NATING MALAMAN AY KUNG PAANO NATIN ITO
MAIPAGTATAGUMPAY
Bago natin kamtan ang ipinangako ng
Diyos na buhay na walang hanggan at pananahanan sa Bayang Banal, kailangang
mapatunayan muna natin na tunay at tapat ang ating pananampalataya. Kaya,
tayong mga hinirang Niya ay mayroong hindi maiiwasang maranasan o masagupa sa
buhay na ito na kailangang mapagtagumpayan natin. Ipinagpauna ito sa atin para
hindi nating ipagtaka o ituring na hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa atin
kapag dumating ito sa ating buhay.
Alin ang dapat nating asahan na ating masasagupa o kilalaning hindi maiiwasang maranasan sa buhay na ito kaya hindi natin ipinagtataka o itinuturing na hindi pangkaraniwan?
ANG HINDI NATIN DAPAT IPAGTAKA O
ITURING NA HINDI PANGKARANIWAN
Itinuro ni Apostol Pedro kung
alin ang hindi natin maiiwasan na dumating sa ating buhay o ating maransan sa
buhay na ito na hindi natin dapat ipagtaka o ituring na hindi pangkaraniwan.
Ito ang kaniyang isinulat sa I Pedro 4:12-13:
“Mga minamahal, huwag
ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na
inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni
Cristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang
kadakilaan.” (I Pedro 4:12-13 MB)
Ang mga mabibigat na pagsubok ay
hindi natin dapat ipagtaka na huwag nating ituring na hindi pangkaraniwan.
Anupat, asahang tiyak na mararanasan ang mga iyan, na hindi maiiwasang
masagupa, na talagang darating sa ating buhay.
Dapat nating ituring na
pakikihati natin sa hirap ni Cristo ang magtitiis ng mga mabibigat na pagsubok
upang sa halip na ikalungkot, ipanglumo o ikahina ng loob ay “ikagalak” pa
natin ito.
Bakit dapat lang tayong magalak
kung nakikihati tayo sa mga paghihirap ni Cristo? Sapagkat malulubos ang ating
kagalakan kapag nahayag ang kaniyang kadakilaan sa Kaniyang ikalawang pagparito
– sapagkat makikihati rin tayo sa kaniyang karangalan.
Samakatuwid, ang pagdaranas ng
mga mabibigat na pagsubok ay ipinagpauna na sa atin ng mga apostol na tiyak na
darating at hindi natin maiiwasan. Subalit, hndi ba maaari na huwag na tayong
dumaan sa mga mabibigat na pagsubok upang hindi na tayo mahirapan?
KUNG BAKIT KAILANGANG DUMAAN TAYO SA
MGA MABIBIGAT NA PAGSUBOK SA BUHAY
Itinuro rin sa atin ni Apostol
Pedro kung bakit hindi maiiwasan at kailangang dumaan tayo sa mga mabibigat na
pagsubok sa buhay. Ganito ang kaniyang
sinasabi sa I Pedro 1:6-7:
“Ito'y dapat ninyong
ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob
maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman
kung talagang dalisay. Gayon din naman,
ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok
upang malaman kung talagang tapat. Sa
gayon, kayo'y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si
Jesu-Cristo.” (I Pedro 1:6-7 MB)
Bakit hindi maiiwasan at kailangang
dumaan tayo sa mga mabibigat na pagsubok sa buhay? Sapagkat kailangan ito upang
maging dalisay ang ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay itinulad
sa ginto. Ang ginto upang maging dalisay ay pinararaan sa apoy. Ang atin namang
pananampalataya ay pinararaan sa pagsubok upang maging dalisay.
Kaya, huwag nating isipin na pinararaan
tayo sa pagsubok upang pahirapan lamang tayo. Pinararaan tayo sa mabibigat na
pagsubok sa buhay para sa ikadadalisay ng ating pananampalataya, kaya para rin
sa ating ikabubuti. Ano ba ang kapalaran ng mapatunayan niyang tapat ang
kaniyang pananampalataya? Ito ang tiyak nating ikaliligtas. Ang sabi ni Apostol
Pedro, “Sa gayon, kayo'y papupurihan,
dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”
Ang nararapat gawin kung
nakararanas
ng mabibigat na pagsubok sa
buhay
Zsapagkat inaasahan na natin na
magdaranas tayo ng mabibigat napagsubok habang narito tayo sa mundong ito, ano
ang nararapat nating gawin upang tamuhin natin ang pagliligtas at pagpapala ng
Diyos? Ganito ang payo sa atin ni Apostol Pedro:
“Kaya nga ihanda ninyo
ang inyong mga isipan. Magpakatatag kayo
at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si
Jesu-Cristo.” (I Pedro 1:13 MB)
Umasa tayo sa pagpapalang tatamuhin
natin kapag nahayag na ang Panginoong Jesucristo (ang Kaniyang ikalawang
pagparito). Lagi nating isaisip na matatapos din ang kahirapan o paghihirap,
mawawala rin ang kapghatian at kabagabagan. Ang buhay natin sa mundong ito ay
pansamantala lamang, kaya kapag nahayag ang Panginoong Jesus ay tiyak na tiyak
na aalisin na Niya ang ating hirap, sakit at kalumbayan.
Kaya magpakatatag tayo anuman ang
mangyari at dumating pang mga mabibigat na pagsubok sa ating buhay. Sa halip na
panghinaan ng loob ay narito ang dapat nating gawin:
“Kapag ako'y
natatakot, O aking Diyos na Dakila; Sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako n'yang binitiwa'y iingatan ko nang lubos, Lubos akong umaasa't may
tiwala ako sa Diyos…” (Awit 56:3-4 MB)
Magtiwala tayo at lubos na umasa
sa tulong at pangko ng Diyos, yamang nangako Siya na hindi Niya tayo pababayaan
bilang Kaniyang mga hinirang lalong-lalo na sa panahon ng mabibigat na
pagsubok. Lagi tayong manalangin at lumapit sa Diyos upang humingi sa Kaniya ng
tulong at saklolo. Ang nagpapatuloy sa pagsamba at masiglang paglilingkod sa
Diyos ang lubos na nagtitiwala sa Kaniya.
No comments:
Post a Comment
Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.