ANG KATOTOHANAN UKOL
SA IGLESIA NI CRISTO
Isang Pagpapakilala
|
Ang Gusaling Sambahan ng Lokal ng Punta, Sta. Ana, Maynila,
ang kauna-unahang lokal ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas |
ANG IGLESIA NI Cristo
(sa Ingles ay "Church Of Christ") ay natatag sa Pilipinas noong Hulyo
27, 1914. Mula sa kaniyang hamak na pasimula, ang Iglesia Ni Cristo
ngayon ay isa nang Iglesiang nakalaganap sa buong daigdig. Inilalarawan
ng iba ang Iglesia Ni Cristo bilang ang pinakamalaking nagsasariling
Iglesia sa Asya, at ang pinakamalaki, pinakamakapangyarihan at
pinaka-maimpluwensiyang Iglesia na lumitaw at nagmula sa Pilipinas.
Subalit,
marami pa ring mga tao ngayon, lalo na ang mga nasa labas ng Pilipinas,
ay lubhang kakaunti ang nalalaman ukol sa Iglesia Ni Cristo, at ang mga
impormasyon pang kanilang nalalaman ay nagmula sa mga "taga-labas" ng
Iglesia o sa mga hindi kaanib na ang iba pa ay tinuturing ang Iglesia Ni
Cristo bilang kanilang mahigpit na kaaway. Dahil dito, ang kanilang
sinasabi patungkol sa Iglesia Ni Cristo ay kanilang opinyon laban sa
Iglesia, mga pakahulugan lamang nila sa mga aral at gawain ng Iglesia Ni
Cristo, at ang iba pa'y paninira, panunuligsa at panghuhusga lamang
laban sa Iglesia.
Upang
maging makatuwiran ang lahat, dapat lamang na malaman din ang panig ng
Iglesia Ni Cristo. Alamin natin ang katotohanan ukol sa Iglesia Ni
Cristo.
KUNG ANO BA TALAGA ANG IGLESIA NI CRISTO
Ang sumusunod ang nagpapakilala kung ano ba talaga ang Iglesia Ni Cristo:
Isang Organisasyong Panrelihiyon
Ang
Iglesia Ni Cristo ay isang organisasyong panrelihiyon na ang
pangunahing layunin ay ang sambahin at paglingkuran ang Panginoong Diyos
na Makapangyarihan sa Lahat batay sa Kaniyang mga kautusan at aral na
itinuro ng Panginoong Jesucristo at nakasulat sa Biblia o sa Banal na
Kasulatan.
Bilang
isang organisasyong panrelihiyon, ang mga pangunahing gawain ng Iglesia
Ni Cristo ay kabilang ang pagsamba sa Diyos, ang pagpapalaganap ng
dalisay na Ebanghelyo, at ang pagpapatibay sa mga kaanib sa Iglesia. Ang
taimtim na pagtitipon ng mga sumasampalataya, ang regular na pagsambang
kongregasyunal, ay isinasagawa dalawang bdeses sa isang linggo,
karaniwan ay sa mga araw ng Huwebes at Linggo. Bahagi ng palatuntunan ng
pagtitipong ito ng Iglesia ang pag-awit ng pagpupuri sa Diyos,
pananalangin, at ang pag-aaral ng mga salita ng Diyos (cf. I Cor. 14:15 at 26).
Sapagkat
isang organisasyong panrelihiyon na ang pangunahing layunin ay ang
sambahin ang Panginoong Diyos, ang Iglesia Ni Cristo ay nagtatayo ng mga
gusaling sambahan ("kapilya") na siyang pinakadako kung saan
isinasagawa ang mga gawaing panrelihiyon ng bawat lokal na kongregasyon
ng Iglesia. Ang pagtatayo ng Iglesia Ni Cristo ng mga gusaling sambahan
ay bilang pagtupad din sa kautusan ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang
para sa Kaniyang ikaluluwalhati (
cf. Hagai 1:8).
|
Ang Templo Central ng Iglesia Ni Cristo |
Ang pangunahing gusaling sambahan ng Iglesia Ni
Cristo ay ang Templo Central na matatagpuan sa Commonwealth Avenue, New
Era, Quezon City. Ang gusaling ito ay inihandog sa Diyos noong Hulyo,
1914, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 na taong anibersaryo ng
pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo rito sa Pilipinas.
Ngayon,
ang mga gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo ay matatagpuan hindi
lamang sa buong Pilipinas, kundi maging sa iba't ibang bahagi ng mundo
na naabot na ng Iglesia. Ang mga gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo
(karaniwang tinatawag sa Pilipinas na "kapilya") ay tumatayong
"landmarks" sa mga dakong kaniyang kinalalagyan.
Isang Relihiyong Cristiano
Ang
Iglesia Ni Cristo ay isang relihiyong Cristiano na nanghahawak at
naninindigan sa dalisay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia tulad
ng aral na ang Ama lamamg ang iisang Diyos na tunay na tulad ng
nakasulat sa I Corinto 8:6:
“Ngunit't
sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya
ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si
Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa
pamamagitan niya.” (I Cor. 8:6)
Ayon kay Apostol Pablo, “
sa ganang atin (tumutukoy sa mga tunay na Cristiano)
ay may isang Dios lamang, ang Ama.”
Kaya, ang pagtatakuwil ng aral ukol sa Trinidad (na mayroon daw tatlong
persona sa iisang Diyos: Dios-Ama, Dios-Anak at Dios-Espiritu Santo) at
ang paninindigan sa aral ng Biblia na ang Ama lamang ang iisang Diyos
na tunay ay isa sa matitibay na katunayan na ang Iglesia Ni Cristo nga
ang tunay na relihiyong Cristiano, ang relihiyon na naninindigan sa
dalisay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia o sa Banal na
Kasulatan.
|
Isang pagsamba ng Iglesia Ni Cristo sa Gusaling Sambahan ng
sa Lokal ng Tondo, Maynila |
Isang Nagsasariling Iglesia
Ang
Iglesia Ni Cristo ay hindi isang denominasyon o sekta. Hindi siya
nakaugnay ("affiliated") o bahagi man ng anumang samahan, kapisanan o
grupong panrelihiyon, at hindi siya isang samahan o katipunan ng mga
kapisanang panrelihiyon. Ang Iglesia Ni Cristo ay isang nagsasariling
Iglesia ("an independent Church"). Kami ay lubos na naninindigan na ang
Iglesia Ni Cristo ay ang iisang tunay na Iglesia ni Cristo ngayon.
|
Ang Pagdiriwang ng Diamond Anniversary ng Iglesia Ni Cristo
noong Hulyo 27, 1989 sa Quezon City, Philippines |
Hindi isang "Kulto"
Ang Iglesia Ni Cristo ay hindi isang "kulto" (na ang tinutukoy natin ay ang negatibong pakahulugan ngayon ng salitang "kulto"):
(1)
ang "kulto" ay "isang panrelihiyon o pang-espirituwal na sistema ng
paniniwala, lalo na ang isang impormal at panandalian ("transient") na
sistema ng paniniwala na itinuturing ng iba na nalinlang, kakaiba sa
karaniwan, labis, o bulaan" (Microsoft Encarta Dictionary, c. 2009).
Subalit, ang Iglesia Ni Cristo ay may isang sistema ng paniniwala na
nakabatay sa Biblia lamang. Bagamat ang pagtuturo ng Iglesia Ni Cristo
ay naiiba kaysa sa ibang mga relihiyon o pangkating nagpapakilalang
sila'y diumano'y mga Cristiano, ito ay sapagkat ang aral ng iba ay wala
sa Biblia, samantalang ang aral ng Iglesia Ni Cristo ay pawang nakasulat
sa Biblia. Halimbawa, ang nakararami sa mga denominasyon at mga iglesia
ngayon ay naniniwala sa tinatawag na "Trinidad," subalit, ang salita at
doktrina ng Trinidad ay hindi matatagpuan sa Biblia, samantalang ang
pagtuturo ng Iglesia Ni Cristo na ang Ama lamang ang iisang Diyos na
tunay ay ang malinaw ana nakasulat sa Biblia (cf. Juan 17:1 at 3;
Malakias 2:10; I Corinto 8:6).
(2) ang isang "kulto" ay isa ring "labis na pamimintakasi sa isang bagay o isang tao, pag-idolo sa isang bagay o isang tao" (Ibid.).
Ang Diyos lamang at ang Panginoong Jesucristo (sapagkat ito'y ayon sa
utos ng Diyos, cf. Filip. 2:9-11 at Mateo 6:9-10) ang sinasamba ng
Iglesia ni Cristo. Ang paniniwala ng Iglesia Ni Cristo patungkol kay
kapatid na Felix Y. Manalo ay payak at simple, na siya ay sugo ng Diyos,
isang taong isinugo ng Diyos upang ipangaral ang dalisay na Ebanghelyo
sa mga huling araw na ito. Hindi namin siya itinatangi ng higit kaysa
rito. Hindi namin siya sinasamba o tinatawag man sa mga titulong tulad
ng propeta, papa, obispo at iba pang tulad nito, kundi sa payak na
"kapatid na Felix Y. Manalo." Tunay na iginagalang namin siya, ngunit
hindi namin siya pinipintakasi, dinadakila o sinasamba. Sinusunod namin
ang kaniyang mga itinuro sapagkat ang lahat ng kaniyang mga itinuro ay
pawang nakasulat sa Biblia, at hindi siya kailanman nagturo ng ganang sa
kaniya lamang.
Samakatuwid, ang Iglesia Ni Cristo ay
hindi isang "kulto," kundi ang tunay na relihiyong Cristiano na
nanghahawak at naninindigan sa dalisay na mga aral na nakasulat sa
Biblia.
Isang “Nagniningning” na Iglesia
Sa
Efeso 5:27 ay inilarawan ni Apostol Pablo ang uri ng Iglesia na haharap
sa ating Panginoong Jesucristo sa Kaniyang ikalawang pagparito:
“At
iharap ito sa kanyang sarili na isang nagniningning na iglesya, walang
batik o kulubot o anumang dungis, kundi banal at walang kapintasan.” (Epeso 5:27, NPV)
|
Isang Nagniningning na Iglesia |
Ang Iglesia na haharap kay Cristo sa
Kaniyang ikalawang pagparito ay inilarawan bilang isang nangniningning
na Iglesia, walang batik, dungis o kapintasan. Samakatuwid, hinuhubog ng
Iglesia Ni Cristo ang mga kaanib nito tungo sa sakdal na pagkakaisa ng
pananampalataya, na ang bawat isa ay ialay ang kaniyang sarili sa
pamumuhay na may kabanalan at sa paglilinngkod sa Diyos na nakabatay sa
tunay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia.
Isang “Pilipinong Iglesia”?
Marami
ang tumatawag sa Iglesia ni Cristo na “isang Pilipinong Iglesia.”
Subalit, ang Iglesia Ni Cristo ay isang Iglesia na para sa lahat na
tutugon sa tawag ng Diyos at yayakap sa kaniyang pananampalataya —
anuman ang pinagmulan niyang lahi, nasyunalidad, kultura, katayuan sa
lipunan, kalagayan sa buhay, at inabot na pinag-aralan. Ang totoo,
ngayon, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay binubuo ng mula sa higit
sa 110 nasyunalidad.
|
Ang Ilan sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na nagmula sa iba't ibang panig ng mundo at nasyunalidad |
Hindi Itinatag Ni Kapatid na Felix Y. Manalo
Kami
ay lubos na sumasampalataya na ang pagbangon ng Iglesia Ni Cristo sa
Pilipinas ay katuparan ng mga hula ("propesiya") na nakasulat sa Biblia
patungkol sa muling pagtatatag ng Panginoong Jesucristo ng Kaniyang
Iglesia sa mga huling araw na ito. Naninindigan kami na ang Panginoong
Jesucristo ang nagtayo ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas sa pamamagitan
ng hula na nakasulat sa Biblia, at hindi ang kapatid na Felix Y. Manalo.
Para
sa amin, ang Panginoong Jesucristo ang pinakadakilang sugo ng Diyos,
ang nagtayo, ang manunubos, ang ulo at puno, at ang Tagapagligtas ng
tunay na Iglesia Ni Cristo.
ANG ORGANISASYON AT PAMAMAHALA
NG IGLESIA NI CRISTO
Ang
Iglesia Ni Cristo ay may pangkalahatang pamamahala mula pa sa pasimula.
May isang ministro na namamahala sa buong Iglesia na ang kaniyang
tungkulin ay tinatawag na "Tagapamahalang Pangkalahatan" ("Executive
Minister" sa Ingles). Subalit, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng
Iglesia Ni Cristo ay may mga katulong sa pamamahala sa buong Iglesia na
ito ang Pangkalahatang Ebanghelista, Pangkalahatang Kalihim,
Pangkalahatang Ingat-Yaman, Pangkalahatang Auditor, at ang mga
nangunguna sa iba't ibang departamento ng Tanggapang Pangkalahatan (The
By-laws of the Iglesia Ni Cristo).
Kapatid na Felix Y. Manalo, 1914-1963
Ang
unang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ay si
kapatid na Felix Y. Manalo. Siya ay namahala sa Iglesia Ni Cristo mula
1914 hanggang 1963.
|
Kapatid na Felix Y. Manalo
Ang unang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
1914-1963 |
Si kapatid na Felix Y. Manalo ay ipinanganak noong
Mayo 10, 1886 sa Tipas, Taguig. Noong 1899 ay kinuha siya ng kaniyang
amain na si Mariano de Borja, isang paring Katoliko Romano, na noon ay
nakadistino sa Sta. Cruz, Maynila. Doon sa bahay ng kaniyang amaing
pari sa Sta. Cruz natagpuan niya ang isang kopya ng Biblia at agad na
ibinuhos ang kaniyang sarili sa pagbabasa at pag-aaral sa Biblia o sa
Banal na Kasulatan. Pagkatapos na makitang lubos na ang mga aral at
gawain ng Iglesia Katolika Romana ay hindi nakasulat sa Biblia,
ipinasiya niyang iwan ang kinagisnan niyang relihiyon. Noong Disyembre,
1902, iniwan niya ang tahanan ng kaniyang amaing pari at bumalik sa
Tipas. Pagkatapos na lisanin ang Iglesia Katolika ay nagsagawa siya ng
masusing pagsisiyasat sa iba't ibang relihiyon: Colorum, Abril, 1903;
Methodist Episcopal Church, 1904-1905; Presbyterian Church, 1905-1909;
Disciples of Christ, 1909-1911; at Seventh-Day Adventist Church,
1911-1913. Ipina-alam sa kaniya ng Panginoong Diyos ang kaniyang banal
na misyon na ipangaral ang Iglesia Ni Cristo noong Nobyembre, 1913, nang
sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi ay nagsagawa siya ng puspusang
pag-aaral ng Biblia.
Pagkatapos na pagkatapos ng
"Dalawang Araw at Tatlong Gabi" ay pinasimulan niya ang kaniyang misyon
na ipangaral ang Iglesia Ni Cristo. Una siyang nangaral sa isang maliit
na grupo ng mga tao sa Punta, Sta. Ana, Maynila. Ang Iglesia Ni Cristo
ay narehistro sa pamahalaan sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914, na siyang
opisyal na pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas. Sa loob ng
49 taon ay lumago ang Iglesia Ni Cristo na "mula sa iisa ay naging
milyon" ("from one to millions"). Sa taong 1963, ang taon ng kaniyang
pagpanaw, may mga nakatatag nang mga distrito eklesiastiko sa halos
lahat na mga lalawigan sa Pilipinas. Si kapatid na Felix Y. Manalo ay
pumanaw noong Abril 12, 1963. Ang kaniyang anak na si kapatid na Eraño
G. Manalo ang humalili sa kaniya.
Kapatid na Eraño G. Manalo, 1963-2009
Hindi
alam ng marami, lalo na ng mga hindi kaanib sa Iglesia Ni cristo, na
ang mga sumunod na Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
pagkatapos ni kapatid na Felix Y. Manalo ay pawang INIHALAL ayon sa
isinasaad ng Saligang Batas ("By-Laws") ng Iglesia Ni Cristo. Si kapatid
na Eraño G. Manalo ("Ka Erdy") ang nahalal na hahalili kay kapatid na
Felix Y. Manalo sa eleksiyong isinagawa noong Enero, 1953 sa gusaling
sambahan ("kapilya") ng Lokal ng F. Manalo na nasa San Juan, Metro
Manila. Kaya, si "Ka Erdy" ay inihanda sa loob ng sampung taon (mula
1953 hanggang 1963) upang sa pagpanaw ni kapatid na Felix Y. Manalo ay
siya ang hahalili bilang Tagapamahalang Pangkalahatan. Ngsimula si
kapatid na Eraño G. Manalo bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng
Iglesia Ni Cristo noong Abril 23, 1963. Siya ay namahala sa Iglesia Ni
Cristo mula 1963 hanggang 2009.
|
Kapatid na Eraño G. Manalo
Ang ikalawang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
963-2009 |
Si
kapatid na Eraño G. Manalo ay ipinanganak noong Enero 2, 1925. Siya ang
ikalimang anak nina kapatid na Felix Y. Manalo at Honorata de
Guzman-Manalo. Siya ay tuwirang tinuruan at sinanay ng kaniyang ama.
Nag-aral siya ng pagka-abogasya, subalit dahil sa tindi ng
pangangailangan noon ng mga manggagawa sa Iglesia, hindi niya itinuloy
ang pag-aaral niya ng abogasya at sa halip ay pumasok sa ministeryo.
Siya ay na-ordenahan bilang ministro ng Ebanghelyo noong Mayo 10, 1947.
Noong Enero, 1953, siya ay nahalal na hahalili kay kapatid na Felix Y.
Manalo bilang Tagapamahalang Pangkalahatan sa pagpanaw ng huli. Sa
panahon ng kaniyang pamamahala, ang bilang ng mga distrito eklesiastiko
at ng mga lokal na kongregasyon ay nadoble. Noong 1963 ay may 900 lamang
na mga ordenadong ministro, subalit noong 1974 ay umabot sa bilang na
1,900, at sa kaniyang pagpanaw noong 2009 ay umabot sa bilang na 4,000.
Ang Iglesia Ni Cristo ay nakarating sa Kanluran noong 1968 at mula noon
ay lumaganap na sa buong mundo. Itinatag din ni kapatid na Eraño G.
Manalo ang College of Evangelical Ministry, New Era University, at New
Era General Hospital. Ang Tanggapang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
(Central office), ang Templo Central at ang Tabernakulo (isang
multi-purpose building) ay natayo din sa panahon ng kaniyang pamamahala.
Kapatid na Eduardo V. Manalo, 2009-Kasalukuyan
Si
"Ka Erdy" ay nanungkulan bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia
Ni Cristo mula 1963 hanggang 2009 (46 taon). Nang pumanaw si kapatid na
Eraño G. Manalo noong Agosto 31, 2009, ang kaniyang anak na si kapatid
na Eduardo V. Manalo ang humalili sa kaniya bilang ang ikatlong naging
Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo.
|
Kapatid na Eduardo V. Manalo
Ang Kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
2009-Kasalukuyan |
Si
kapatid na Eduardo V. Manalo ay nahalal bilang Pangalawang
Tagapamahalang Pangkalahatan ("Deputy Executive Minister") at bilang ang
susunod na Tagapamahalang Pangkalahatan sa halalang isinagawa noong
Mayo 6, 1994. Siya ay sinanay sa loob ng 15 taon bilang ang susunod na
Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo. Ipinanganak siya
noong Oktubre 31, 1955, ang panganay na anak nina kapatid na Eraño G.
Manalo at Cristina Villanueva-Manalo. Siya ay nagtapos ng AB Philosphy
sa University of the Philippines, ng Bachelor of Evangelical Ministry sa
College of Evangelical Ministry, at ng Masters degree sa New Era
University. Naging Dekano muna siya sa College of Evangelical Ministry
bago maging Tagapangasiwa sa distrito eklesiastiko ng Metro Manila, at
15 taong gumanap ng katungkulang Pangalawang Tagapamahalang
Pangkalahatan bago siya maging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia
Ni Cristo noong Setyembre, 2009.
Ang Tanggapang Pangkalahatan (Central Office)
Ng Iglesia Ni Cristo
Ang
Cenral Office ng Iglesia Ni Cristo ay matatagpuan sa No. 1 Central
Avenue, New Era, Quezon City, Philippines. Maramig "taga-labas" ang
nag-aakalang ang mismong Central Office ng Iglesia Ni Cristo ang
residencia ng Tagapamahalang Pangkahalatan (tulad ng Malacañang Palzce
at ng White House na hindi lamang opisina kundi ang mismong residencia
ng Presidente ng Pilipinas at ng Amerika). Ang Central Office ang
pangkalahatang tanggapan ng Iglesia Ni Cristo kung saan matatagpuan ang
mga opisina ng Tagapamahalang Pangkalahatan at ang iba pang mga
kawanihan ("departments") na nangangasiwa sa buong Iglesia, sa mga
distrito at mga lokal sa buong mundo, at hindi ito ang residencia ng
Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia.
|
Iglesia ni Cristo Central Office
New Era, Quezon City, Philippines |
Ang
Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ay hindi ang may-ari
ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo, kundi ang nangangasiwa lamang
(Iglesia Ni Cristo Articles of Incorporation, dated 27 July 1914). Ang
lahat ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo ay nakapangalan sa Iglesia (Ibid.).
Ang pagbili, pagbenta at pag-alis ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo
ay pinapasiyahan ng "Economic Council" ng Iglesia na binubuo ng
Executive Minister, General Evangelist, General Secretary, General
Treasurer, General Auditor, at ng mga Tagapangasiwa ng Distrito
(By-Laws of the Iglesia ni Cristo).
Pinangangasiwaan
ng Tagapamahalang Pangkalahatan ang buong Iglesia sa pamamagitan ng mga
Tagapangasiwa ng Distrito. Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 100
distrito eklesiastiko sa buong mundo. Ang bawat distrito eklesiastiko
naman ay binubuo ng mga lokal na kongregasyon na pinangangasiwaan naman
ng mga ministrong distinado at katuwang ang mga pamunuan at mga
maytungkulin sa lokal.
ISA NANG PANDAIGDIGANG IGLESIA
("GLOBAL CHURCH")
Ngayon,
ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay binubuo ng humigit-kumulang sa
110 nasyunalidad. Mayroon na siyang mahit sa 100 distrito eklesiastiko
sa Pilipinas at nakalaganap na sa mahigit na 100 mga bansa at teritoryo.
Sa Pilipinas ay may mahigit na 5,000 mga lokal at mahigit naman sa
1,000 lokal ang nakalatatag sa iba't ibang panig ng mundo.
Please learn more about the Iglesia Ni Cristo and
learn the whole truth about this Church
If you want the full English version and an Iglesia Ni Cristo blog in full English, try THE IGLESIA NI CRISTO
Note:
Pictures used in this article are owned and courtesy of the Iglesia Ni
Cristo (Church of Christ) published in GOD'S MESSAGE (PASUGO) Magazine
(the offcial magazine of the Iglesia Ni Cristo).