Thursday, February 14, 2013

Payong Kapatid: Makiisa at Pasakop sa Pamamahala ng Iglesia



Dapat tayong lubos na makiisa sa pamamahala ng iglesia


Kapatid na Eduardo V. Manalo

Nagpupuri tayo sa Diyos sa pagkakaloob Niya ng sunod-sunod na pagtatagumpay sa kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia. Damang-dama natin ang lubos na pagmamalasakit at pag-ibig na iniuukol ng Pamamahala para sa lahat ng mga kapatid. Sinisinop niya ang lahat ng mga hinirang na inilagay ng Diyos sa kaniyang pangangalaga. Araw at gabi ay gumagawa at nagpapagal ang Pamamahala para sa kapakanan ng Iglesia. Ang pagtatalaga ng Pamamahala sa taong 2013 bilang “Taon ng Puspusang Pagpapatibay sa Iglesia”  ay lalong naghahayag ng malinis at marubdob na layunin ng Pamamahala na madala ang bayan ng Diyos sa kaligtasan.

Ano naman ang pananagutan nating mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo patungkol sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia ayon sa pagtuturo ng Banal na Kasulatan?



Sa panig naman nating mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay itinuturo naman sa atin ng Biblia o Banal na Kasulatan na pasakop at gumalang sa Pamamahala ng Iglesia na inilagay ng Diyos upang manguna at mangasiwa sa atin. Ganito ang sinasabi sa Hebreo 13:17:

 “Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, at pasakop kayo sa kanilang pamamahala. Sila ang mangangalaga sa inyo at mananagot sa paglilingkod na ito.  Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi pabigat ang paglilingkod na ginagawa nila; ito'y sa ikabubuti rin ninyo.” (Hebreo 13:17 NPV)

Ang pagsunod at pagpapasakop sa Pamamahala, ayon sa Biblia ay sa atin ding ikabubuti. Dahil dito, ano ang hindi marapat na masumpungan sa atin ayon na rin sa pagtuturo ng mga apostol? Sa II Timoteo 3:8 ay ganito ang mababasa natin:

“Kung paanong kinontra nina Jannes at Mambres si Moises, gayon din kinokontra ng mga ito ang katotohanan; mga taong bulok ang isip at huwad ang pananampalataya. “ (II Timoteo 3:8 BSP)

Si Moises ay ang lider noon ng Israel, ang bayan ng Diyos noon. Ang pagkontra sa kaniya ayon sa Biblia ay pagkontra sa katotohanan sapagkat sinasabi ng katotohanan o ng Biblia na pasakop sa mga nangangasiwa o namamahala sa atin. Sinasabi pa ng Biblia na ang gayon ay mga taong bulok ang isip at huwad ang pananampalataya. Ang may huwad na pananampalataya ay kabilang sa mga hindi magmamana ng kaharian ng Diyos o hindi maliligtas (cf. Gal. 5:19-21). Dahil dito, ganito ang itinuturo sa atin ni Apostol Juan, isa sa mga namahala sa unang Iglesia”

  “Sinasabi namin sa inyo ang aming nakita at narinig upang magkaroon kayo ng pakikiisa sa amin. Ang aming pakikiisa ay sa Ama at sa Kanyang Anak na si Jesu-Cristo.” (I Juan 1:3 SNB)

Lubos tayong makiisa sa Pamamahala na inilagay ng Diyos sa Iglesia upang ipahayag ang Kaniyang mga salita (cf. Colosas 1:25). Sundin natin at pasakop tayong lubos sa Pamamahala ng Iglesia yamang ang kanilang ipinatutupad ay hindi ganang kanilang sarili kundi ang kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Makiisa tayo sa mga kilusang kanilang inilulunsad, pasakop tayo sa kanilang mga panawagan, at tuparin natin ang kanilang mga tagubilin.

Lagi nating ipanalangin sa Diyos na ingatan ang Kapatid na Edurado V. Manalo na patuloy na puspusin ng kalusugan at lakas, higit sa lahat ay ng kapangyarihan, ng Espiritu Santo, upang patuloy tayong mapangunahan at maihandang lubos sa pagsalubong sa ating Panginoong Jesucristo.

Salamat po sa Diyos sa maraming mga pagtatagumpay na ipinagkakaloob Niya sa kasalukuyang Pamamahala ng Iglesia ni Cristo. “Ka Eduardo” mahal po namin kayo.

No comments:

Post a Comment

Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.

Frequently Asked Questions


About the


Baptism



Bible



Bible and Qur'an




Contributions/Offerings



Death



Devil, Evil, Satan



Eating of Blood, prohibition on





Salvation



Soul

Worship Services




HAVE QUESTIONS?

You can post your questions here.