Tuesday, March 5, 2013

Ang Tunay Na Kalikasan Ni Cristo, Blg. 1


Ang mga Nagtuturo na si Cristo ay Tao sa Likas na Kalagayan ay Sila rin ang Nagbigay ng Patotoo na si Cristo ay Hindi Diyos



Kung susuriin lamang na mabuti ay makikitang ang pananampalataya ng Iglesia Ni Cristo patungkol sa Panginoong Jesucristo ay nakabatay sa aral na nakasulat sa Biblia. Hindi kami nagbibigay ng pansariling paliwanag o ng haka-haka sa mga talata ng Biblia. Ang lahat ng itinuturo ng Iglesia Ni Cristo patungkol kay Cristo ay pawang nakasulat sa Biblia.

Kung itinuturo man ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay Tao sa likas na kalagayan, sapagkat ito ang maliwanag at tuwiran na nakasulat sa Biblia. Kung itinuturo man namin na si Cristo ay hindi Diyos, sapagkat ang mga nagpahayag mismo na si Cristo ay tao sa likas na kalagayan ay sila rin ang nagbigay ng matitibay na patotoo na ang Panginoong Jesucristo ay hindi Diyos.



Ang Patotoo ng Panginoong Jesu-Cristo mismo patungkol sa Kaniyang Tunay na Kalikasan

Hindi imbento lamang ng  Iglesia ni Cristo, at lalong hindi kami lamang ang may sabi na ang Panginoong Jesucristo ay tao sa likas na kalagayan. Ito ang maliwanag na nakasulat sa Biblia.

Ang Panginoong Jesucristo mismo ang may pahayag na Siya ay tao sa likas na kalagayan. Ganito ang Kaniya mismong pahayag sa Juan 8:40:

“Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.” (Juan 8:40)

Ang Panginoong Jesucristo mismo ang may pahayag na “ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, NA TAONG sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan.

Sa talatang ito ay hindi lamang tuwirang sinabi ng Panginoong Jesucristo na Siya ay tao sa likas na kalagayan, kundi ipinakita pa Niya na Siya ay iba sa Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pahayag na Siya ay “taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios.” Iba si Cristo na nakarinig ang katotohanan mula sa Diyos, at iba ang Diyos na mula sa Kaniya ay narinig ni Cristo ang katotohanan na Kaniyang isinaysay.

Maaaring sabihin ng iba na hindi ba pareho silang Diyos? Diyos ang Ama at Diyos din ang Anak? Kung magkagayon ay MAGIGING DALAWA ANG DIYOS: Si Cristo (na Diyos daw) na nakarinig ng katotohanan, at ang Diyos na mula sa Kaniya narinig ni Cristo ang katotohanan na Kaniyang sinaysay

Samakatuwid, hindi lamang tuwirang sinabi ng Panginoong Jesucristo sa Juan 8:40 na Siya ay tao sa likas na kalagayan, kundi ipinakita pa Niya na iba Siya sa Diyos, katunayang hindi Siya ang tunay na Diyos.


Ang Patotoo ni Apostol Pedro patungkol sa Tunay na Kalikasan ng Panginoong Jesucristo

Maging ang Apostol na si Pedro ay tuwirang nagpahayag na ang Panginoong Jesucristo ay tao sa likas na kalagayan. Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pedro sa Gawa 2:22-24:

“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito!  Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos.  Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya.  Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan.  Hindi ito maaaring mamayani sa kanya,” (Gawa 2:22-24 MB)

Tuwirang ipinahayg ni Apostol Pedro sa talatang sinipi na ang Panginoong Jesucristo ay tao sa likas na kalagayan. Ang sabi niya, “Si Jesus na taga-Nazaret…ANG TAONG ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa.”

Katulad ng Panginoong Jesucristo, hindi lamang tuwirang ipinahayag ni Apostol Pedro na si Cristo ay tao sa likas na kalagayan, kundi ipinakita rin niya na iba ang Panginoong Jesucristo sa Panginoong Diyos:

(1) Sinabi ni Apostol Pedro na “Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos.” Iba si Cristo na sinugo, kaysa sa Diyos na nagsugo sa Kaniya. Kung tatanggapin natin na si Cristo ay Diyos ay lalabas na dalawa ang Diyos: si Cristo na isinugo at ang Diyos na nagsugo.

(2) Sinabi rin ni Apostol Pedro na, “Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya.” Iba ang Diyos na gumawa ng mga himala, mga kababalaghan at mga tanda kaysa kay Cristo na Siyang kinasangkapan ng Diyos. Kaya kung tatanggapin na si Cristo ay Diyos ay lalabas na si Cristo ay Diyos na kinasangkapan lamang, at may isa pang Diyos na kumasangkapan kay Cristo.

(3) Sinabi pa ni Apostol Pedro na, “Siya’y (si Cristo) ay binuhay ng Diyos.” Kung tatanggapin na si Cristo ay Diyos ay lalabas na ang Diyos ay “ipinako at ipinapatay sa mga makasalanan.” Gayon din, kung si Cristo ay Diyos ay lalabas na ang Diyos ay namatay at binuhay na mag-uli ng isa pang Diyos. Maliwanag na iba si Cristo na binuhay na mag-uli, at ang Diyos na bumuhay na mag-uli kay Cristo.

Samakatuwid, hindi lamang tuwirang ipinahayag ni Apostol Pedro na si Cristo ay tao sa likas na kalagayan, kundi ang mga pahayag niya tungkol kay Cristo (“sinugo ng Diyos”; gumawa ang Diyos ng mga himala, kababalaghan at tanda sa pamamagitan Niya; at “binuhay ng Diyos”) ay pawang mga matitibay na patotoo na si Cristo ay hindi Diyos.


Ang Patotoo ni Apostol Pablo patungkol sa Tunay na Kalikasan ng Panginoong Jesucristo

Si Apostol Pablo man ay tuwiran ding nagturo na ang Panginoong Jesucristo ay tao sa likas na kalagayan at sa kaniyang pagpapahayag niyang ito ay kalakip din ang mga pahayag na nagpapatotoo na si Cristo ay hindi ang tunay na Diyos. Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pablo sa I Timoteo 2:5:

“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,” (I Timoteo 2:5)

Tuwirang ipinahayag dito ni Apostol Pablo na si Cristo ay tao sa kalikasan. Sinabi niya, “ang TAONG si Cristo Jesus.” Maliwanag din sa pahayag ni Apostol Pablo sa talatang ito na si Cristo ay hindi ang tunay na Diyos kundi ang “Tagapamagitan” sa Diyos at sa mga tao.” Ang “Tagapamagitan” ba ay Diyos din?


Ang Iisang Tunay na Diyos
(Ang Ama ng Panginoong Jesucristo, Juan 17:3 at 1)

Ang Iisang Tagapamagitan
(ang Panginoong Jesucristo)

Ang mga Tao
(Ang ipinamamagitan ni Cristo sa Diyos)


Maliwanag na kung tatanggapin natin na si Cristo ay Diyos ay magiging dalawa ang Diyos: Si Cristo na Tagapamagitan (na Diyos daw), at ang Diyos na sa Kaniya ipinamamagitan ni Cristo ang mga tao. Samantalang, napakalinaw ng pahayag ni Apostol Pablo na “may ISANG Diyos.” Hindi ang tagapamagitan na si Cristo ang tinutukoy ni Apostol Pablo na “isang Diyos” kundi ang sa Kaniya’y ipinamamagitan ni Cristo ang mga tao.


Konklusyon

Samakatuwid, kung bubuksan lamang ng mga tao ang kanilang mga mata sa katotohanang nakasulat sa Biblia ay hindi sila maililigaw ng paniniwala na si Cristo ay Diyos, sapagkat sa mga talata ng Biblia na tuwirang ipinapahayag na si Cristo ay tao sa tunay na kalaikasan ay kalakip din ang mga pahayag na nagpapatotoo na si Cristo ay hindi ang tunay na Diyos.


2 comments:

  1. If felix Manalo is an Angel and Christ is a Man how come that a Man is higher than an Angel? Since angels are higher kind .Angels are spiritual beings they don't die like Felix. But why Did Felix DIED?

    ReplyDelete
  2. Salamat po sa pag-post ninyo ng tanong G. Pher Roma.

    May ginawa po kaming bukod na pagtalakay ukol po sa tanong ninyong ito. Pakibasa na lamang po. Ang iba pa ninyong tanong ay aming pong sasagutin sa mga susunod. Salamat po at sana ay magpatuloy kayo sa pagsubaybay sa blog na ito.

    God bless po.

    ReplyDelete

Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.

Frequently Asked Questions


About the


Baptism



Bible



Bible and Qur'an




Contributions/Offerings



Death



Devil, Evil, Satan



Eating of Blood, prohibition on





Salvation



Soul

Worship Services




HAVE QUESTIONS?

You can post your questions here.