Thursday, December 27, 2012

JUAN 20:28


Tinawag nga ba ni Tomas si Cristo na
Diyos sa Juan 20:28?


ANG TALATANG JUAN 20:28 ay isa sa karaniwang pinagbabatayan ng mga nagtuturong si Cristo ay Diyos sapagkat dito raw ay tinawag ni Apostol Tomas si Cristo na Diyos. Ganito ang sinasabi ng talata:

Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko. (Juan 20:28)

Binanggit ito ni Tomas matapos na magpakita sa kaniya ang Panginoong Jesucristo.


Ang Pangyayari

Pagkatapos na mabuhay na mag-uli, si Jesus ay napakita sa Kaniyang mga alagad, subalit noon ay wala si Tomas:

“Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo. At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran.  Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon. Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo. At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad. Nguni't si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si Jesus.” (Juan 20:19-24)

Nang sabihin ng mga alagad kay Tomas na nabuhay na mag-uli ang Panginoon at napakita sa kanila ay ganito ang naging reaksiyon ni Tomas:

“Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Ngunit sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (Juan 20:25)

Hindi naniwala o sumampalataya si Tomas na ang Panginoong Jesus ay nabuhay na mag-uli. Pansinin na ang pinag-uusapan sa pangyayaring ito na isinalaysay ni Juan ay walang kinalaman sa kalikasan ni Cristo (kung Siya ba ay Diyos o hindi) kundi ukol sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesus. Pagkatapos ay napakitang muli si Jesus sa Kaniyang mga alagad na sa pagkakataong ito ay kasama na si Tomas:
 “At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas.  Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo. Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.” (Juan 20:26-27)

Sinabi  ng Panginoong Jesus kay Tomas na “huwag kang di mapanampalatayanin, kundi mapanampalatayanin” (na gaya ng pinatutunayan sa mga unahang talata, ang tinutukoy na di sinasampalatayanan ni Tomas ay ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus). Pagkatapos nito ay ganito ang sagot ni Tomas:

Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko. (Juan 20:28)




Kung Bakit Hindi Mapanghahawakan
ang Sinabi ni Tomas

Ang pahayag ni Tomas na “Panginoon ko at Dios ko” ay hindi mapanghahawakan sa pagtuturong si Cristo ay Diyos sapagkat:


(1) Nasa kalagayang hindi sumasampalataya nang sabihin ito ni Tomas:

“Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Ngunit sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (juan 20:25)

Maging ang Panginoong Jesus ay nagpatunay na noon ay nasa kalagayan si Tomas na hindi sumasampalataya:

“Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.” (Juan 20:27)


(2) Nagkakamali rin ang mga alagad kung wala sa pangangaral:

“At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.” (Mateo 14:26-27 )

Nang makita ng  mga alagad ang Panginoong Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat ay nangagulumihanan sila at nangagsabing “Multo!” Sapagkat ang mga alagad ang may sabi nito, tatanggapin na ba natin na tama sila? Tiyak nating sila’y nagkamali sa pagkakataong ito (subalit pansinin na nang sila’y magkamali ay wala sila sa kalagayang nangangaral, tulad ni Tomas na nang banggitin ang “Panginoon ko at Dios ko” ay wala rin sa kalagayang nangangaral).



Kung Bakit Tiyak Siyang Nagkamali

Bakit natin natitiyak na nagkamali si Tomas sa pagtawag kay Jesus na “Panginoon ko at Dios ko”?

(1) Sa sulat din ni Juan ay binabanggit na ipinahayag ng Panginoong Jesus na “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at sa aking Dios at inyong Dios”:

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakayat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” (Juan 20:17)

Pansinin na kung tatanggapin natin na si Cristo ay Diyos, lalabas ay Siya’y Diyos na may Diyos, samantalang ganito ang pahayag ng tunay na Diyos:

“Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinanayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi.  May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.” (Isaias 44:8)


(2) Ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesucristo ay nagpapatunay na Siya’y namatay, samantalang ang tunay na Diyos ay walang kamatayan:

“Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man.  Siya nawa.” (I Timoteo 1:17)

Tunay na nagkamali lamang si Tomas nang banggitin niya ang “Panginoon ko at Dios ko.” Gaya nang ating nakita, kung wala sa kalagayang nangangaral ay maaari silang magkamali. Mali na sabihing si Cristo ay Diyos sapagkat lalabas na ang Diyos na si Cristo ay may kinikilala at tinatawag na “Aking Dios” samantalang ang tunay na Diyos mismo ang nagpahayag na Siya’y “walang nakikilalang iba.” 


Itinuwid ang Kaniyang Pagkakamali

Ang karaniwang itinatanong ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos sa pagsasabing hindi mapagbabatayan ang pahayag ni Tomas na “Panginoon ko at Dios ko” sa pagtuturong si Cristo ay Diyos sapagkat siya’y nagkamali lamang ay “kung nagkamali, bakit hindi siya itinuwid ng Panginoong Jesus”?

Itininuwid ng Panginoong Jesus si Tomas sa kaniyang pagkakamali at hindi lamang siya kundi maging ang iba pang mga alagad. Ganito naman ang mababasa natin sa salaysay ni Lukas:

“At sila'y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at ang kanilang mga kasama. Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon, At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay. At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.” (Lukas 24:33-36)

Pansinin ang pahayag ng Biblia na nang magpakita ang Panginoong Jesus sa Kaniyang mga alagad ay “naratnang nagkakatipon ang labingisa.” Labindalawa ang mga apostol, subalit labing-isa ang binabanggit dito. Sa pagkakataong ito ay kasama nila si Tomas at si Judas Escariote ang wala (sapagkat siya’y nagpakamatay), kaya ang banggit ay labing-isa. Ano ang naging reaksiyon ng mga  alagad nang makita ang Panginoong Jesus?

“Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.” (Lukas 24:37)

Nang magpakita sa kanila ang Panginoong Jesus, inakala ng mga alagad na “nakakita sila ng isang espiritu.” Ano ang ibig sabihing nakakita sila ng isang espiritu? Sino ang nasa kalagayang espiritu?

“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:24)

Hindi lamang pala si Tomas ang nagkamali, kundi maging ang iba pang mga lagad. Inakala nila na si Cristo ay naging “espiritu” o “naging Diyos.” Subalit, ITINUWID SILA NG PANGINOONG JESUS SA KANILANG PAGKAKAMALING ITO. Ganito ang patuloy na salaysay ni Lukas:

“At sinabi niya sa kanila, Bakit Kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Lukas 24:38-39)
Ipinakita ng Panginoong Jesus na Siya ay hindi naging “espiritu,” anupat hindi Siya Diyos. Sinabi mismo ni Cristo na “ang isang espiritu’y walang laman at mga buto” at pinatunayan din Niya na Siya’y may laman at buto.

Kung si Jesus din mismo ang may turo na ang Diyos ay espiritu, at pinatunayan Niya na Siya ay hindi isang espiritu bagkus ay may laman at buto, samakatuwid, katumbas lang ito na pinatunayan ni Cristo na Siya ay hindi Diyos.

Ano ang ibig sabihin ni Cristo na Siya ay hindi espiritu, na Siya’y may laman at buto? Siya ay tao sapagkat ang tao ay siyang laman:

“At sinabi ng Panginoon, Ang aking Espiritu ay hindi makikipagpunyagi sa tao magpakailan man, sapagka't siya ma'y laman…” (Genesis 6:3)

Tandaan ang turo ng Biblia na ang tao ay hindi Diyos:

“Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang iyong puso ay nagmataas, at iyong  sinabi, Ako'y dios, ako'y nauupo sa upuan ng Dios, sa gitna ng mga dagat; gayon man ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios.” (Ezekiel 28:2, emphasis mine)



Ukol sa Juan 20:29

Ang tutol pa ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos ay “Bakit sinabi ni Jesus kay Tomas sa talatang 29 na ‘ako’y nakita mo ay sumampalataya ka’”?

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya.” (Juan 20:29)

Ang tinutukoy ng Panginoong Jesus na sinampalatayanan ni Tomas matapos na makita niya si Jesus ay ang hindi niya sinampalatayanan nang una:

“Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Ngunit sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” (Juan 20:25)

Samakatuwid, ang tinutukoy ni Jesus na “sinampalatayanan” ni Tomas ay hindi ang diumano’y pagiging Diyos ni Cristo. Hindi ang kalikasan ni Cristo ang pinag-uusapan o isyu rito, kundi ang pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong  Jesucristo.

No comments:

Post a Comment

Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.

Frequently Asked Questions


About the


Baptism



Bible



Bible and Qur'an




Contributions/Offerings



Death



Devil, Evil, Satan



Eating of Blood, prohibition on





Salvation



Soul

Worship Services




HAVE QUESTIONS?

You can post your questions here.