TANONG NI
OLIVE DUCHESS VISCARA
“Olive Duchess Viscara americana po ang sabi hindi po tuxedo ang point ng catholic dyan eh papanu ang mga taong wlang pambili ng mga damit tulad ng polo? mga taong pauwi na galing sa trabaho at wlang planu mag sumamba sa araw na yun pro biglang naisipan sumamba kaso hindi nakapolo? hindi basihan ang ganda ng damit sa pag samba puso ang tinitignan ng Dios hindi ang damit...”
SAGOT
NG BIBLIA:
Totoong
puso ang tinitignan ng Diyos subalit ano ang tinitignan ng Diyos sa puso ng tao
– ang pag-ibig sa Kaniya. Ngunit, ayon sa Biblia paano ba mapatutunayan ang
pag-ibig sa Diyos na tinitingnan Niya kung nasa puso ng tao?
“Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.” (I Juan 5:3)
Napansin
ba ninyo ang pahayag ng Biblia: Una, ang pag-ibig sa Diyos ay ang pagsunod sa
Kaniyang mga utos; at Ikalawa, sa may pag-ibig sa Diyos “ang kaniyang mga utos
ay hindi mabibigat.” Ano ang isa sa mga utos ng Diyos na kasamang dapat tuparin
kapag sumasamba sa Kaniya?
“Magsiawit kayo sa Panginoon ng isang panibagong awitin; magsiawit kayo, buong sangkalupaan. Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ang kanyang pangalan; ipamahayag ninyo araw-araw ang kaligtasang nanggagaling sa kanya. Isalaysay ninyo sa mga bansa ang kanyang kahanga-hangang gawa.“Maghandog sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kanyang pangalan ! Handugan siya ng mga alay at pumasok sa kanyang mga looban mga looban; ; Sambahin ang Panginoon nang may banal na kasuotan. Manginig kayo sa harap niya, sangkalupaan!” (Awit 96:1-3 at 8-9 Abriol)
Ang
saling ito ay salin na ginawa ng isang paring Katoliko na si Jose Abriol.
Kabilang sa utos ng Panginoong Diyos ang “Sambahin ang Panginoon nang may banal
na kasuotan.” Pansinin na hindi ini-specified ng talata kung anong kasuotan,
kundi ang banggit ay “banal na kasuotan.” Kaya, isang kamalian na hanapan kami
ng nakasulat sa Biblia na “barong” o “amerikana.”
Huwag po
sana ninyong ikagagalit, hindi lamang kamalian kundi isang kamangmangan – bakit
hahanapin mo kung nakasulat sa Biblia ang mga hindi pa naman existido noong
isinulat ang Biblia? Ang Panginoong Diyos po kasi ay hindi mag-uutos sa isang partikular
na mga tao na hindi naman aplikable sa kanila ang gayung utos sapagkat alam
Niya na may pagbabago sa kultura ng tao sa bawat dako at sa paglipas ng mga
panahon. Kaya nga ang kautusan para sa mga Judio tulad ng paghahalas ay hindi
ipinag-utos sa mga Gentil na naging kaanib sa Iglesia (cf. Gawa 10:1-2, 13 at 19).
Ganon din
sa kasuotan sa pagsamba, walang specification na ibinigay sa mga sasamba kundi
ang sabi ay “Sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kasuotan.” Kung alin ang
tinutukoy na “banal na kasuotan” ay ganito ang paliwanag ng mga Bible Scholars
(babasahin naming ito hindi sapagkat ito ang aming batayan kundi upang ipakita
na ang sinasabi namin ay sinasang-ayunan maging ng mga nagsipagsaliksik ng
Biblia kaya hindi aming pakahulugan lamang kundi siyang katotohanan na
pinatutunayan maging ng iba):
“BANAL NA KASUOTAN…May pananalitang tinutukoy sa maayos (o marapat) na kasuotan’…” (The Interpreter’s Dictionary of the Bible, Vol. I, p. 231 )
Ang
“banal na kasuotan” ay tumutukoy sa maayos o marapat na kasuotan. Kaya
ipagpaumanhin po ninyo Ms. Olive, nagkakamali po kayo sa pagpapakahulugan na
ang ipinatutupad sa mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo sa pagdalo sa pagsamba ay
“magandang kasuotan” – saksi ang lahat ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, ang
doktrina po sa amin ay “maayos at marapat” na kasuotan ang dapat isuot kapag
sumasamba sa Diyos.
Ang
maayos at marapat na kasuotan sa pagsamba ay hindi nangangailangang mahal,
maganda at magarbo – kahit mumurahin lamang at simple kung maayos at nararapat
sa kabanalan ng okasyon. Hindi ba’t sa pagsamba ay humaharap tayo sa Diyos, sa
pagharap nga sa isang mayor, presidente o isang kinikilalang tao ay hindi tayo
haharap ng nakapambahay, nakapantulog, kundi iaangkop natin sa okasyon, sa
pagharap pa ba sa Diyos hindi natin iaangkop ang ating kasuotan gayung haharap
tayo sa Makapangyarihan sa lahat na lumalang ng langit at lupa? Isa pa, sa
pagpunta mo ba sa Malacanang sa pagharap sa Presidente ay naka-shorts ka lang?
Hindi ba’t ang kasuotang ihaharap mo ay nakikita ang paggalang at pagpapahalaga
mo sa kaharap mo?
SAMAKATUWID,
ang doktrina sa Iglesia Ni Cristo ay humarap sa Diyos sa pagsamba na ang
kasuotan ay maayos at naaangkop sa kabanalan ng okasyon (nagkakamali lamang sa
pakahulugan ang nagsasabing ang tinutukoy namin ay “ganda” ng kasuotan). Kaya,
hindi po aplikable sa amin ang sinabi ninyong “…hindi basihan ang
GANDA NG DAMIT sa pag samba puso ang tinitignan ng Dios hindi ang damit...”
Dumalo po kayo ng pagsamba at mag-obserbang mabuti na makikita ninyo na maraming
mga kapatid na simple lamang ang suot na damit (ang iba pa nga sapagkat galing
sa trabaho o paaralan ay iyon na ring uniporme nila ang suot nila sa pagsamba –
bakit hindi kung angkop naman at maayos).
Ngayon,
ukol sa sinabi ninyong “papanu ang mga
taong wlang pambili ng mga damit tulad ng polo?” Kung ang tinutukoy ng
Iglesia Ni Cristo na kasuotan sa pagsamba ay hindi pala “magagandang damit” na
gaya ng inyong naging pakahulugan, kundi simple at maayos na damit lang pala,
kaya ang usapin dito ay hindi halaga kundi pagpapahalaga. Ang sabi kanina sa I
Juan 5:3, ang may pag-ibig sa Diyos ay “ang
kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.” Isang maayos at simpleng polo (na kahit
mumurahin lamang o binili sa ukay-ukay) para gamitin sa pagharap sa Diyos sa
tuwing pagsamba ay isang “napakabigat na bagay” ba? – oo sa hindi umiibig sa
Diyos, subalit sa tunay na umiibig sa Diyos ay “ang kaniyang mga utos ay hindi
mabibigat.”
Sa sinabi
mo na “mga
taong pauwi na galing sa trabaho at wlang planu mag sumamba sa araw na yun pro
biglang naisipan sumamba kaso hindi nakapolo?” Ganiyan po ba talaga ang tingin ninyo sa pagsamba sa Diyos,
isang bagay na kung kailan lamang maisipan? Hindi po ganiyan ang sinasabi ng
Biblia. Ukol sa pagsamba sa Diyos ay ganito ang sinasabi ng Panginoong
Jesucristo:
“Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: SAPAGKA'T HINAHANAP NG AMA ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.” (Juan 4:23)
Sa mga
tunay na mananamba po Ms. Olive, hindi kung kalian lang maisipan ang pagsamba,
kundi alam niyang “hinahanap ng Ama” na Siya’y sambahin ng mga tunay na
mananamba. Ang may kaisipan pa lang ang pagsamba ay kung kailan lamang biglang
maisipan ay hindi kaispan ng mga tunay na mananamba. Kaya, ang mga kaanib sa
Iglesia Ni Cristo sapagkat kinikilala nilang isang mahalagang pananagutan nila
sa Diyos ang pagsamba, kung sasamba sila pagkatapos ng pagpasok sa paaralan o
trabaho, kung ang uniporme naman nila’y angkop ay iyon na ang gagamitin nila sa
pagdalo sa pagsamba, at kung hindi naman, ay hindi isang napakabigat na bagay
sa kanila ang magbaon ng isang polo o pansamba. Ganito namin pinahahalagahan
ang pagsamba sapagkat sa pamamagitan nito’y nagagawa namin na ang Diyos ang
pangunahin sa aming buhay.
Paano
kung kayo naman ang tanungin ng Panginoon ng “isang maayos na damit na angkop
sa kabanalan ng okasyon sa pagharap mo sa lumikha sa iyo na siyang patuloy na
nagbibigay sa iyo ng buhay at lakas at pinagkakautangan mo ng lahat-lahat sa
iyong buhay ay mabigat sa iyo?” Sa
umiibig sa Diyos “ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.”
No comments:
Post a Comment
Comments submitted must be civil, remain on-topic and not violate any laws. We reserve the right to delete any comments which are abusive, inappropriate or not constructive to the discussion. Repeated violations are ground to be blocked from this blog.